SINABI ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na walang building permit ang may-ari ng Igorot Stone Kingdom, kung kaya’t iniutos niya ang pagpapasara rito.
Sa panayam sa DZMM, sinabi ni Magalong na patuloy na nagtatayo ng istraktura ang may-ari nito sa kabila nang kawalan ng building permit.
“Nagtayo siya ng structure na hindi dumaan sa tamang proseso, potentially unsafe yan, prone sa erosion, three months ago pinuntahan ko yan dahil nga nabalitaan ko na nagtatayo ng mga structures. Noong pinuntahan namin sige hindi kita isasara dahil nakatutulong ka sa turista pero you have to work on your permit, kasi residential yun, namomroblema kami sa trapik,” sabi ni Magalong.
Idinagdag ng alkalde na tatlong notice of violation na ang ipinalabas ng lungsod laban sa may-ari ng tourist site.
“Noong binigyan siya ng pagkakataon, hindi niya inayos, despite na napakabait ko na sa kanya, maayos na nakipag-usap kami sa kanya, tapos binastos kami, nagtayo na lang ng additional structures… apat na yung itinatayo niyang structures. Ano na lang kung may mangyari, antayin pa ba namin na may mangyari, may mahulog, madaganan, may mamatay. We are just being proactive,” dagdag pa ni Magalong.