Gasoline boy tiklo sa sextortion

KULUNGAN ang bagsak ng gasoline boy na kinikilan ang babaeng hiningian niya ng hubad na larawan kapalit ng trabaho sa Mexico, Pampanga.


Dinakip si Christian Timbang, 24, kamakalawa makaraang tanggapin ang pera mula sa biktima, 23, isang service crew.


Nahaharap si Timbang sa kasong Robbery Extortion in Relation to Cybercrime Prevention Act of 2012.
Sa reklamo ng biktima, inalok siya ng trabaho ng suspek, na gumamit ng alyas, sa Facebook ilang linggo na ang nakararaan.


Dahil malaki ang ipinangakong sweldo ay napapapayag siya ng suspek na magpadala ng mga hubad na larawan.


Pero nang hindi tinupad ng suspek ang pangakong trabaho at nanakot pang ikakalat ang mga larawan kung hindi makikipagtalik sa kanya ay humingi na ng tulong sa pulisya ang biktima.


Sa kanilang “date” ay nakumbinse ng biktima si Timbang na imbes na sex ay pera na lamang ang ibabayad kapalit ng mga larawan.


Agad dinamba ng mga pulis ang suspek nang tanggapin nito ang pera.