Gang members o biktima ng red tagging? Pastor, kagawad inaresto

INARESTO ang isang pastor at isang barangay kagawad, na ayon sa pulisya ay mga umano’y miyembro ng isang crime syndicate at tagasuporta ng mga komunistang grupo, sa Bohol ngayong umaga.


Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Carmilo Tabada, kagawad ng Brgy. Poblacion, Trinidad, Bohol, at si Pastor Nathaniel Vallente, ng Brgy. San Jose sa Mabini, Bohol.


Unang dinampot si Tabada ala-1:40 ng umaga ng mga pulis na armado ng search warrant.


Nakuha sa suspek, na umano’y sangkot sa gunrunning, ang ilang baril, granada at subersibong dokumento.


Makaraan ang isang oras ay dinampot naman si Vallente, 52. Nakuhanan din siya ng apat na baril, bala at subersibong dokumento.


Kinondena naman ng BAYAN Central Visayas ang pagkakadakip kina Tabada at Vallente at sinabing itinanim lamang ng mga otoridad ang mga nakuhang armas sa dalawa.


Ayon sa Bayan, si Tabada ay ang program coordinator Central Visayas Farmers Development Center (FARDEC), isang NGO na na-red tag umano ng ilang ahensya ng pamahalaan.


Si Vallente, dagdag ng BAYAN, ay aktibong miyembro ng farmers’ group na Nagkahiusang Mag-uuma sa San Jose (NAMASAJO) at pinuno ng Promotion of Church People’s Response (PCPR).