NASA 48 ang beripikadong bilang ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong Paeng, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Linggo.
Umakyat din sa 40 ang bilang ng mga sugatan habang 20 pa ang naiulat na nawawala sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo, ayon pa sa latest report ng NDRRMC.
Naitala ang mga casualties sa Bicol, Western at Eastern Visayas, Soccsksargen, at Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao (BARMM) kung saan naitala ang pinakamaraming casualty.
Umabot na rin sa 277,383 pamilya na may katumbas na 932,077 indibidwal mula sa 2,445 barangay ang apektado ng bagyo.
Sa tala, 44,487 pamilya o 168,453 katao ang nasa evacuation center, habang ang 88,348 pamilya o 196,293 indibidwal ang nasa ibang pasilidad o nakikitira pansamantala sa mga kamag-anak.
Ang pinsala sa agrikultura ay nasa P54,965,924; habang 714 kabahayan ang naitalang nasira.