UMABOT na sa 815 sinkhole ang nadiskubre ng Department of Environment and Natural Resources-Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB) sa Boracay.
Ayon sa DENR-MGB Western Visayas ito’y tumaas kumpara sa dating 789 noong 2018.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Malay, Aklan Mayor Frolibar Bautista na nakatakdang makipagpulong ang mga opisyal ng DENR-MGB sa kanya at iba pang lokal na opisyal para talakayin ang magiging aksyon para matiyak ang kaligtasan ng mga residente at mga turista.
“Mayroon letter ang MGB para pag-usapan ang magiging action to ensure the safety of the people,” sabi ni Bautista.
Idinagdag ni Bautista na humiling na siya ng detalye sa DENR-MGB para malaman ang lokasyon ng mga sinkhole.
“Nanghingi ako ng mapa sa MGB para malaman natin kung saan-saan yan,” aniya.
Inamin naman ni Bautista, na itinakda lang ng DENR ang kapasidad ng Boracay sa 19,000 bagamat umaabot na sa 4,000 ang turistang dumadalaw sa isla kada araw, bukod pa sa kabuuang 38,000 populasyon ng mga residente sa isla.