Bata binaril, lolo tinaga

BINARIL ang batang babae habang tinaga ang kanyang lolo ng kapitbahay nilang may sakit umano sa pag-iisip sa Ilocos Sur.

Tinutugis na ng pulisya ang suspek, residente ng Salcedo, na tumakas matapos ang krimen.

Ayon sa pulisya, kritikal ang kondisyon ng walong-taong-gulang na bata na binaril sa sikmura habang nagtamo ng ilang sugat sa katawan ang kanyang lolo.

Lumabas sa imbestigasyon na nagtungo ang suspek sa bahay ng mga biktima at tinutukan ng baril ang ama ng bata.

Nakatakbo ang ama kaya ang bata ang pinagbalingan at binaril ng suspek.

Tinangka namang saklolohan ng lolo ang kanyang apo pero tinaga siya ng suspek.

Inaalam pa ng pulisya kung ano ang nagtulak sa suspek na sumugod sa bahay ng mga biktima.