4 magkakapamilya minasaker; onsehan sa droga motibo

HALOS nabubulok na ang mga bangkay ng apat na magkakamag-anak, kabilang ang isang bata, nang madiskubre ang mga ito sa kanilang bahay sa Brgy. Tangub, Bacolod City kamakailan.


Pawang nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan dahil sa hampas ng martilyo at taga ang mga biktima, tatlo ay kinilalang sina Jocelyn, Jemma, at Michael Lumogdang, ayon sa pulisya.


Naaresto naman ang isa sa mga suspek, si Christian Tulot, na nakitang nanggaling sa bahay ng mga biktima noong Linggo.


Inamin ni Tulot na naroon siya sa bahay ng mga Lumogdang pero hindi umano siya ang pumatay sa mga biktima kundi ang isang alyas Bro.


Kwento ni Tulot, nag-iinuman sila nina Bro at Michael sa bakuran nang magkasagutan ang dalawa.
May utang umanong P35,000 halaga ng droga si Michael kay Bro, aniya.


Sa gitna ng away ay nagawang maitali ni Bro si Michael bago pinaghahampas ng martilyo sa ulo.
Nang lumabas ang tiyahin ni Michael na si Jocelyn ay tinaga ito ng suspek sa ulo.


Ganito rin ang ginawa sa kapatid ni Jocelyn na si Jemma nang tangkain nitong umawat.


Hindi naman sinabi ni Tulot kung paano napatay ang menor de edad na anak ni Michael.


Palusot niya, natakot siyang makialam dahil tinutukan siya ng baril ni Bro.


Nakuha kay Tulot ang hinihinalang shabu nang masakote ng pulisya. Pinaghahanap pa si Bro. Kapwa sila nahaharap sa kasong multiple murder.