SINAMPAHAN ng reklamong rape with homicide ang dalawang pinsan ni Jovelyn Galleno na itinuturong nasa likod ng brutal na pagpatay sa dalaga na dalawang linggo nang hinahanap sa Palawan.
Sa Palace briefing ngayong Miyerkules, sinabi ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na inasunto na ang mga pinsan ni Galleno na sina Leobert Dasmariñas at Jovert Valdestamon.
“Kung makikita n’yo, ‘yung rape with homicide, ‘yung nangyari sa Palawan kay Miss Jovelyn, this morning we just filed a case against the perpetrators,” ani Azurin.
Sinabi ng opisyal na inireklamo ang mga umano’y salarin makaraang ipresinta ang mga datos ng kaso, kabilang ang DNA test result sa natagpuang bangkay.
Kinumpirma ng PNP nitong Martes na base sa resulta ng DNA test, kay Galleno ang natagpuang kalansay noong isang linggo.
Nadiskubre ang kalansay makaraang aminin ni Dasmariñas ang ginawa nila ni Valdestamon sa biktima.
Itinuro rin nito ang lugar kung saan naroroon ang labi ni Galleno.