MARAMI tayong mga kababayan na hanggang ngayon ay nangungupahan ng bahay. Pero siyempre, karamihan din sa kanila ay nais magkaroon ng sarili nilang tahanan, kung may sapat lang na pera.
Kaya nga kayod sa pagtatrabaho ang marami sa atin para magkaroon ng sariling bahay at nang hindi na gumastos kada buwan para sa upa. At marami rin ang nag-iisip na bakit hindi subukan ang rent-to-own scheme — yung parang nangungupahan ka lang pero pagdating ng ilang taon ay masasabi mo na pag-aari mo na ito.
Kaya tunghayan natin ang concern ng isa nating kababayan na gustong magkaroon ng sariling bahay sa pamamagitan ng rent-to-own.
Dear Atty. Stella,
Nagpaplano po kami ng misis kong bumili ng bahay at lupa para hindi na kami nangungupahan. Pero hindi po namin kaya ang malaking downpayment para makabili ng brand new na bahay. Meron pong inaalok sa amin na rent-to-own na 15 years. Payuhan mo naman kami, attorney, ukol sa pagbili ng rent-to-own na house and lot.
Jomel ng Quezon City
Dear Jomel ng Quezon City,
Maaaring magkasundo ang lessor at lessee ng isang paupahan na ang pagmamay-ari sa nasabing property ay maililipat sa pangalan ng nangungupahan sa pamamagitan ng Rent-to-Own Scheme na naaayon sa RA No. 9161 o ang Rental Reform Act of 2002.
Ang kasunduan ay tinatawag na Contract of Lease with Option to Purchase o ang tinatawag na Rent-to-Own Contract kung saan nakasaad ang rental scheme, rental rate at rental payment, pati na rin terms ng pag-upa, at halaga ng deposit na kailangan bayaran. Marapat din na tukuyin sa kasulatang ito ang maaaring maging epekto kung hindi makakapagbayad ang lessee.
Subalit ang pinaka-importante na mailagay sa kasulatan ay ang “Option to Purchase” na magsasabing ang may-ari ng paupahan ay sumasang-ayon na ang umuupa o lessee shall have the right to buy the property at a fixed price within a certain time. Ibig sabihin na ang panahon kung kailan maaaring iturn-over ng lessor ang property sa lessee ay batay sa mapagkakasunduan nilang terms and conditions.
Marapat din na maisaad sa kasulatan ang paraan ng pagbabayad ng rental payments hanggang sa mapasakamay ang naturang property sa pagmamay-ari ng lessee.
Atty. Stella
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]