Rider nawala noong Semana Santa, patay na nang makita

NATAGPUAN ang bangkay ng 36-anyos na lalaki sa bakanteng lote sa Tanay, Rizal kahapon, Abril 7, mahigit isang linggo mula nang iulat itong nawawala.

Sinabi ng pulisya na natagpuan ng isang residente ang naagnas nang katawan ni Werner Jimenez malapit sa isang burol sa Brgy. Madilay-Dilay Proper.

Sinusuri na ng mga imbestigador ang kuha ng mga CCTV sa lugar para madetermina kung sino ang nasa likod ng krimen.

Hindi umuwi ng bahay si Jimenez ilang araw makaraan siyang umalis kaya iniulat siyang nawawala ng kanyang asawa noong Abril 2.

Ayon sa ulat, nagpaalam na aalis si Jimenez gabi ng Marso 29 para makipagkita sa isang  Regie Reporzado sa gasolinahan sa Marilaque Highway, Brgy. Sampaloc.

Umalis siya sakay ng motorsiklo.

Makaraang maiulat ang kanyang pagkawala, naglaho ang kanyang mga social media accounts, ayon sa kaanak.