Lalaki naburyong, kinatay natutulog na nanay

NASAWI ang 74-anyos na ginang nang pagtatagain ito ng anak na mayroon umanong sakit sa pag-iisip sa Talisay, Batangas kamakailan, iniulat ng pulisya.

Naitakbo pa sa pagamutan si Maria Rizaldo ng Brgy. Aya pero hindi na naisalba ng mga doktor ang kanyang buhay.

Sugatan naman sa pag-atake ang pamangkin ng matanda na si Genalyn Castillo at dalawang anak nito na may edad 15 at 13.

Nasakote ang suspek na si Oliver Rizaldo, 40, sa Brgy. Kiling sa follow-up operation ng pulisya.

Ani Major Billy John Mactal, hepe ng Talisay police, natutulog sa sopa ang matanda nang pagtatagain ito ng anak alas-11:30 ng gabi.

Sumunod naman ay pinasok ni Oliver ang katabing bahay ng pinsan na si Genalyn at pinagtataga rin ang mag-iina.

Napag-alaman naman ng pulisya na bago ang krimen ay nakatakda nang ipasuri ng pamilya ang kondisyon ng suspek dahil sa mga kakaiba na umano nitong ikinikilos.