Pagpatay kay Killua makatwiran – suspek

INAMIN ng kapitbahay ng amo ng asong si Killua na pinatay niya ang hayop para hindi na ito makapaghasik ng takot sa kanilang lugar sa Bato, Camarines Sur.

Ayon kay Anthony Solares, sinalakay siya at ang isang matandang residente ng Labrador retriever na si Killua kaya hinabol niya ang aso saka pinukpok ng bato at kahoy sa ulo hanggang mamatay.

“Yung aso, tumawid doon. Tapos ‘yung aso nung nakita kami nung matanda, bumalik, talagang ako naman sinakmal. Buti na lang dito lang sa paa,” sabi niya.

“Pumasok doon sa tindahan namin. Dalawa na ang nakagat. ‘Yung matanda, ako, pati ‘yung asawa ko kakagatin pa. Kaya nagawa ko iyon,” ani Solares.

Pinabulaanan naman niya na kakatayin niya ang aso para kainin at hindi rin daw siya ang naglagay nito sa loob ng sako.

Pursigido naman ang may-ari ng aso na si Vina Rachelle Arazas na kasuhan si Solares.

“We already have information nga po and we are already coordinating with law enforcement na po sa barangay, and pinag-aaralan na din po kung ano ‘yung magiging remedy dito,” aniya.

Ipinagtanggol naman niya si Killua na aniya ay mabait sa tao.

“Hindi nga po siya lumalabas and stressed lang po siguro siya sa environment sa labas kasi yun nga po sanay siya sa loob ng bahay,” paliwanag niya.