Babae tumangging sumama sa Motel, binaril ng Sundalo; BF pinutukan din

ARESTADO ang sundalo na bumaril sa magkasintahan matapos tumangging sumama sa kanya ang babae sa motel sa Urdaneta, Pangasinan noong Martes.

Nasa maayos na kalagayan na ang mga biktimang sina Celine Fernandez, 20, at Fernando Manzano, 28, na kapwa nagtamo ng sugat sa hita.

Inamin naman ng suspek na si Nicho Argos, isang sundalo, ang krimen.

Inihahanda na ang mga reklamo laban sa kanya. Napag-alaman na magkakaibigan ang mga biktima at ang suspek.

Lumabas sa imbestigasyon na namasyal sina Fernandez at Argos hapon ng Martes, pero nang pauwi na ay pinilit umano ng sundalo na dalhin sa motel ang kaibigan.

Nagalit ang babae kaya tinawagan niya ang boyfriend na si Manzano.

Pagdating ay agad sinuntok ni Manzano si Argos na bumunot naman ng baril at pinaputukan ang magkasintahan.

Isinugod sa ospital ang mga biktima habang dinakip ng pulisya ang suspek.