Vico bumanat sa dilawan: Huwag n’yo akong gamitin

KINONDENA ni Pasig Mayor Vico Sotto ang ilang dilawan na ginamit ang kanyang lumang pahayag ukol sa political dynasties para punahin ang pagtakbo sa 2022 elections ni presidential daughter Sara Duterte-Carpio.


Sa Facebook, inamin ni Sotto na ginawa niya ang pahayag noon pero pinalalabas ng mga tagasuporta ng Liberal Party na iyon ay patama niya kay Carpio at sa pamilya nito.


“Maaaring totoo ang quote, pero last year pa at HINDI presidential elections ang topic!” giit ni Sotto.


“Misquoted ng ibang Dilawan group para sumakto sa naratibo nila kaso lang, naniwala ang iilang supporters ng Presidente at kaya nagalit,” dagdag niya.


Sinabi ng alkalde na ayaw na niyang palakihin ang isyu, pero kailangan umanong maging mapagmatyag ang publiko sa mga kumakalat na maling impormasyon, lalo pa at malapit na ang halalan.


“Laganap talaga ang fake news at dadami pa ito habang lumalapit eleksyon. Maging mapanuri. Hindi porke’t gusto (o ayaw) mo ang quote ay totoo na,” aniya.


“Dito sa Pasig, WORK MODE lang tayo. Wag nating intidihin ang maiingay na boses na mahilig gumawa ng intriga. Sa lungsod pa lang, ang dami na nating kailangan gawin; hindi ngayon ang panahon para makikisawsaw sa national politics. Masyado na tayong polarized bilang mga Pilipino. Basta sa Pasig, welcome ang lahat ng partido,” hirit pa ni Sotto.