Ping pangangalanan utak ng troll farm kung…


TUMANGGI si Sen. Panfilo Lacson na pangalanan ang undersecretary ng isang kagawaran na nagtatayo umano ng mga troll farm sa iba’t-ibang parte ng Pilipinas.


Aniya, isasapubliko lamang niya ang pangalan ng opisyal kung gagawa ng isang affidavit ang kanyang source.


“Kinukumbinse ko ‘yung nakausap na (undersecretary) na mag-execute ng affidavit. Hindi pa sumasagot. Pero sa oras na mag-execute ng affidavit ay pwede kong banggitin kung sino, of course,” ani Lacson.


Nitong Martes ay isiniwalat ni Lacson na isang undersecretary ang gumagamit ng pondo ng pamahalaan para magtayo ng dalawang troll farm sa lahat ng probinsya sa bansa upang gamitin sa 2022 elections.
Dagdag ni Lacson, nakakagulat na isang mataas na opisyal na ang nago-operate ng mga troll farms gamit ang pera ng taumbayan.


Hinimok naman siya ng iba’t-ibang sektor na pangalanan ang opisyal dahil tiyak na magugulo ang halalan sa pagkalat ng mga maling impormasyon.