WALANG sinuman ang dapat kumuwestiyon sa desisyon ni Pangulong Duterte na tanggalan ng kapangyarihan ang isang mayor sa Metro Manila sa pamamahagi ng pinansyal na ayuda sa mga residente ng apektado ng enhanced community quarantine.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, desisyon ni Duterte na atasan ang Department of the Interior and Local Government at Department of Social Welfare and Development na pangasiwaan ang pamamahagi ng ayuda kung gusto niya.
“Kung sa tingin ng Presidente para sa mga constiuents ng lugar na ‘yun ipadaan sa DILG at DSWD, we cannot question that because that’s national funds anyway,” giit ni Roque.
Klinaro naman niya na ang pagtatanggal ng responsibilidad na mamahagi ng ayuda ay hindi parusa.
“We are not imposing any sanctions on anyone. Sinisiguro lang natin na hindi mangyayari ‘yung kaguluhan na nakita ni President sa larawan and that is why pinadadaan through an alternative distribution scheme. Wala tayong pinaparusahan,” aniya.
Sa kanyang Talk to the People address Lunes ng gabi, sinabi ng Pangulo na ipauubaya niya ang pamimigay ng ayuda sa isang siyudad sa DILG at DPWH dahil nabigo ang mayor doon na gawing maayos ang pagbabakuna.
Hindi naman tinukoy ni Duterte ang mayor na kanyang tinanggalan ng kapangyarihan.
“Nakita naman ninyo, it’s on TV and all, na wala talagang kaalam-alam itong mayor na ‘to. So tanggalan natin muna ng ipamimigay, pag-distribute ng pera pati tulong ng gobyerno,” dagdag ni Duterte. –WC