IPINAGDIINAN ni Sen. Raffy Tulfo na wala siyang balak tumakbong pangulo sa 2028.
Nag-usap sina Tulfo at Sen. Loren Legarda sa Raffy Tulfo In Action at kapwa nila itinanggi na may plano silang mag-tandem para sa susunod na presidential elections
“Kakahalal lang po natin, Sen. Raffy, at sasabihin ko na po ng maaga para hindi po tayo batikusin ng mga presidentiables–ako po ay wala pong kabalak-balak sa anumang posisyon mas mataas kaysa po sa Senado,” ani Legarda.
“Wala po akong hilig, wala po akong balak. Ang pinagbuklod po sa akin ng Diyos sa akin ay makabalik sa Senado sa pang-apat na termino,” dagdag niya.
Maging si Tulfo ay sinabing wala sa isip niya na tumakbo para sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
“Yung sinabi mo na wala kang balak, pareho tayo. Pareho tayong walang balak for higher office,” giit ni Tulfo.
“Ginagawa lang natin ‘yung trabaho na dapat nating gawin, ‘yung ating kinasanayan. So, huwag dapat nilang isipin na itong si Sen. Loren nagsasalita, gumagawa ng maraming bagay-bagay… hindi ibig sabihin ay may balak na siyang tumakbo sa pagka-Pangulo,” pahayag pa nito.