TINATAYANG 49 porsiyento ng mga pamilyang Pinoy ang naniniwalang mahirap sila, samantalang 17 porsiyento lamang ang nagsabing hindi sila mahirap at 33 porsiyento naman ang nasa borderline, ayon sa pinakahuling survey Social Weather Stations (SWS).
Base sa resulta ng survey ng SWS na isinagawa mula Abril 28 hanggang Mayo 2, 2021, sa Metro Manila, 39 porsiyentong Pinoy ang nagsabing sila ay mahirap; 30 porsiyento ang hindi mahirap at 31 porsiyento borderline-poor.
“Metro Manila is the only area where the proportion of families feeling not poor fell. The proportion feeling borderline poor rose from 14 percent to 31 percent, along with a decline in both the proportions feeling not poor and feeling poor,” sabi ni SWS.
Ayon pa rito, 32 porsiyento ng pamilyang Pinoy ang nagsabing sila ay kapos sa pagkain; 23 porsiyento ang hindi mahirap sa pagkain at 45 porsiyento ang nasa borderline ng mahirap sa pagkain.
Idinagdag pa ng survey na ang national median self-rated poverty threshold ay tumaas sa P13,000 noong Mayo 2021 mula sa P12,000 noong November 2020, samantalang ang median self-rated poverty gap ay nananatili sa P5,000.
Gumamit ang SWS ng face-to-face interview ng 1,200 indibidwal sa buong bansa.