DAHIL sa pangamba na magaya kay Pharmally exec Krizle Mago na ngayon ay nawawala at hindi na makontak, nagdesisyon ang Senado na huwag na lamang ituloy ang paglipat sa isa pang opisyal ng kompanya na si Linconn Ong sa Pasay City jail.
Ito anya ay para na rin sa “kaligtasan” ni Ong, na una nang idinitene ng Senado dahil sa pag-iwas nitong sagutin ang mga tanong ng senador hinggil sa kontrobersyal na pagbili ng gobyerno ng overpriced na face mask, face shield at PPEs sa Pharmally.
Sinabi ni Senate blue ribbon committee chairman Richard Gordon, na hindi na lamang itutuloy ang paglilipat kay Ong sa city jail dahil nag-aalala ang mga senador sa kaligtasan nito.
Gayunman, hindi tinukoy ng senador kung saan itinago ng Senado si Ong dahil sa pangamba na kunin ito ng kanyang mga kasamahan.
Sinabi rin ni Gordon na sumang-ayon na si Ong na sabihin ang lahat ng kanyang nalalaman sa harap ng mga senador.
“We are getting there. Everything is now getting unraveled,” ani Gordon.
Sa Huwebes itutuloy ng blue ribbon committee ang hearing nito hinggil sa kontrobersya.