PINATAYAN ng ilaw at pinalayas sa stage ang political blogger at SMNI anchor na si Sass Rogando Sasot habang nagtatalumpati sa harap ng mga graduating students ng Southern Philippines Institute of Science and Technology sa Cavite ngayong araw.
Ayon kay Sasot, hindi nagustuhan ng may-ari ng venue ng graduation, ang Church of God, na isang transgender at Bongbong Marcos supporter ang magbibigay ng commencement speech.
Sa kalagitnaan ng pagsasalita ni Sasot ay pinatay ang ilaw at sound system.
Hindi naman nagpatinag ang blogger at itinuloy ang speech na may kaugnayan sa “courage.”
Binuksan naman ng mga mag-aaral ang flashlight ng kanilang mga cellphone at itinutok kay Sasot.
Bago matapos ang speech, isang staff ng venue ang umakyat ng stage at pilit na pinababa ang blogger.
Hindi na rin pinatapos ang graduation rites.
Ang Church of God Dasmarinas ay isang Pentecostal Church na matatagpuan sa Marilag Subdivision, Aguinaldo Highway, Dasmarinas.
Ayon kay Sasot, isang araw bago ang graduation ay nagbanta na ang Church of God na ipatitigil ang graduation ceremony kapag itinuloy ng SPIST na gawin siyang commencement speaker.