UMAMIN si Senador Robinhood Padilla na “nagdudugo ang tenga” niya sa matinding Inglisan kapag nasa sesyon ng Senado.
Sa pagharap niya sa media nitong Huwebes, walang pagtanggi si Padilla na nahihirapan siya na unawain ang mga sinasabi ng mga kapwa niya senador sa kanilang mga debate.
“Nahihirapan lang ako pag nag-i-inglisan na. Pwede dahan-dahan lang?’ Nakatunganga ako. Tango-tango. Bukas mababasa ko sa journal ito,” ayon sa senador.
Gayunman, malaking tulong anya sa kanya ang journal at ang pag-brief sa kanya ng kanyang mga staff dahil doon niya nauunawaan ang nangyayari sa sesyon.
“Kaya mahalaga ‘yung journal eh, kaya binabasa ko ‘yung journal kasi nandun lahat eh, mahalaga ‘yun,” dagdag pa ni Padilla.