SINUSPINDE ng Philippine National Police (PNP) ang permit to carry firearms ng mga taga-Metro Manila upang masiguro na magiging payapa ang huling State of the Nation Address ni Pangulong Duterte sa Lunes.
Ayon sa memo ng PNP, nagsimula ang kautusan nitong Miyerkules at tatagal nang isang linggo.
Ani PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, tanging mga uniformed service personnel at mga alagad ng batas na nasa duty ang papayagang magbitbit ng baril sa labas ng tahanan.
“This is to ensure that the (SONA) will be free from firearm-related incidents and to ensure the safety of the populace,” dagdag ng opisyal.
Wala namang namomonitor na banta sa kaligtasan ng Pangulo ang kapulisan.
Aabot sa 15,000 pulis ang naatasang magbantay sa SONA na gaganapin sa Batasang Pambansa.