NALUNGKOT ang Malacañang sa pagbagsak ng Pilipinas sa listahan ng mga bansa sa mundo na may kalayaan sa pamamahayag.
Sa ranking ng World Press Freedom Index, lumagpak sa ika-138 na posisyon ngayong taon ang Pilipinas mula sa ika-136 noong 2020.
Sa briefing, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na hindi dapat naging batayan ang isyu ng ABS-CBN at Rappler sa pagbaba ng ranggo ng Pilipinas.
“Ang mensahe lang sa media, syempre maraming maanghang na sinasabi sa Presidente. Minsan sasagot ang Presidente, maanghang din. In the same way na hindi natin inaasahan na balat-sibuyas ang Presidente, kaya sana wag din balat-sibuyas ang media pag sumagot siya,” aniya.
Sa score na 45.64, bumaba ng dalawang ranggo ang Pilipinas sa 180 bansa sa isinagawang 2021 World Press Freedom Index ng Paris-based media watchdog Reporters Without Borders (RSF).
Ayon sa RSF, kabilang ang pangha-harass ng administrasyong Duterte laban sa news website na Rappler at sa CEO nito na si Maria Ressa at pagbasura sa prangkisa ng TV giant ABS-CBN sa naging dahilan ng pagbaba ng ranggo ng Pilipinas.