TAHASANG inamin ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na binubusisi nila ang background ng mga nasa likod ng community pantries na nagbibigay ng libreng pagkain sa mga Pilipinong nagugutom dahil sa pandemya.
Itinanggi naman ni Parlade na red-tagging ang kanilang ginagawa, pero pinunto niya na ginagaya ng ilang leftist groups ang inisyatibo upang palawigin ang kanilang propaganda.
Si Parlade ang commander ng Armed Forces of the Philippines Southern Luzon Command (Solcom).
“Alam mo, tsine-check. Marami doon e. Ilan ba ‘yang nakapost sa social media? So we’re just checking ‘yung background ng mga ‘to,” aniya. “
Yes tsine-check ‘yan kasi tingnan mo ‘yung mga websites nila, humihingi sila ng donations from abroad. At ang mga pinapasuportahan, hindi ‘yung mga community kundi ‘yung mga organizers, ‘yung mga volunteers para dito sa community pantry,” paliwanag pa ng opisyal.
“Habang nandoon sila sa community, meron silang propaganda na ginagawa. May sinasabi silang gutom ang mga tao dahil sa kapalpakan ng gobyerno, kung anu-ano pa,” dagdag pa ni Parlade.