MAY mensahe si presidential spokesman Harry Roque sa mga senador: Kung gusto n’yong mapatalsik si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. sa National Task Force on Ending Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), idaan n’yo sa korte.
Sa briefing, sinabi ni Roque pwedeng mag-file ang mga mambabatas ng quo warranto petition laban kay Parlade, ang tagapagsalita ng NTF-ELCAC at commander ng Southern Luzon Command ng AFP.
“‘Yan lang po ang remedyo,” giit niya.
Sinabi rin ni Roque na “subject to debate” ang paliwanag ng mga senador na labag sa batas ang paglilingkod sa civilian post ng isang opisyal ng militar.
“That’s actually subject to debate kasi hindi naman po malinaw dahil siya naman po ay tumatayong tagapagsalita na kabahagi rin po ang militar sa NTF-ELCAC,” hirit ng opisyal. “So puwedeng nagsasalita siya bilang tagapagsalita ng militar na represented po doon sa NTF-ELCAC. So let’s not dwell into that.”