Muling binanatan ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo si Senador Imee Marcos at pinagsabihan na kung walang magandang masasabi sa gobyerno ay itikom na lang ang bunganga nito.
Ito ang naging reaksyon ni Panelo sa paulit-ulit na pagbatikos ni Imee sa administrasyon ni Pangulong Duterte sa pagtugon nito laban sa lumalalang sitwasyon ng pandemya sa bansa.
Ikinumpara pa ni Panelo si Imee sa kapatid nitong si dating Senador Bongbong Marcos na mas may laman ang mga sinasabi bukod pa sa mas nakakatulong ito sa pamahalaan.
“I cannot understand you Imee Marcos, you really disappointed me,” ayon kay Panelo sa kanyang regular na programa online na “Counterpoint”.
“You are not like your brother, former senator Bongbong Marcos, you see when he talks, he is calm. No criticism of the government, he will just do what he can to help,” dagdag ng opisyal.
Matatandaan na unang binatikos ni Imee ang P1,000 ayuda sa mga apektado ng enhanced community quarantine sa Metro Manila at apat na lalawigan malapit dito.
Bukod dito, pinabubuwag din ng senador ang Inter-Agency Task Force dahil sa wala umanong kakayanan ang mga taong humahawak dito, at sinabi rin nito na palpak ang desisyon ng pamahalaan para ilagay sa ECQ ang NCR plus.
Kaugnay nito, binatikos din ni Panelo sina Senate minority leader Franklin Drilon at Senador Francis Pangilinan dahil sa walang humpay na pagpuna ng mga ito sa gobyerno.
“The problem with these three (Marcos, Pangilinan and Drilon), you are all in the comfort of your homes.
You’re just airing spicy comments against the government, instead of helping, giving hope. If you cannot help, if possible, just ECQ your mouths and do not let it turn to GCQ,” pahayag pa ni Panelo.