NAIS ng pamilya ng pinaslang na broadcaster na si Percy Lapid na isailalim sa independent autopsy ang bangkay ng sinasabing middleman na pinangalanan ng self-confessed gunman na si Joel Escorial.
“Kami po’y nananawagan sa kung sino ang pwedeng tumulong sa amin na magkaroon ng independent autopsy sa labi ni Villamor,” ayon kay Roy Mabasa, kapatid ni Lapid.
Ang tinutukoy ni Mabasa na naka nilang isa ilalim sa panibago at independent autopsy ay si Crisanto Villamor Jr. na kinilala ni Escorial na umano’y “middleman” sa pagpatay kay Lapid.
Si Villamor ay kapareho ng Jun Villamor na namatay sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Aniya, labis ang hinagpis ng pamilya ni Lapid matapos malaman na namatay si Villamor ilang oras matapos siyang pangalanan ni Escorial bilang middleman sa kontratang pumatay sa broadcaster.
“Ang naging sama ng loob namin ng pamilya, nabalitaan namin na namatay ‘yung middleman number 1… Importante po para sa amin ‘yan,” ani Mabasa.
“Makakatulong po ‘yan na mapayapa ang aming kalooban,” dagdag pa niya.