DUDA ang Malacañang kung bakit ngayon lang nagsalita si Sen. Manny Pacquiao ukol sa umano’y katiwalian sa Department of Health (DoH).
Hirit ni presidential spokesperson Harry Roque, wala namang imik noon si Pacquiao nang ihayag ng mga Cabinet secretaries sa Senado ang kanilang ginastos sa panahon ng pandemya.
“Absent po siguro si Senator Pacquiao noong nagpresinta ‘yung mga Cabinet secretaries, or kung hindi siya absent he may have been preoccupied with something else,” ani Roque.
Idinagdag niya na walang isinampang kaso laban kay DoH Secretary Francisco Duque matapos ang pagharap nito sa Senado.
“Nanggaling na po si Secretary Duque doon sa Senado. Nag-explain na po siya doon at wala naman pong kasong naisampa matapos ‘yung eksplanasyon ni Sec. Duque,” paliwanag pa ni Roque.
“Hindi ko lang po alam kung nandoon nga po siya (Pacman) noong naghi-hearing po ang Senado at kung meron siyang mga tanong na ibinato kay Secretary Duque noong mga panahong iyon,” aniya pa.
Bago ito, itinuro ni Pacquiao ang DoH bilang isa mga korup na kagawaran matapos siyang hamunin ni Pangulong Duterte na isa-isahin ang mga opisyal at sangay ng pamahalaan na sangkot sa katiwalian. –WC