Noynoy muntik nang ikasal noong 1990s

IBINUNYAG ng umano’y best friend ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na muntik nang magpakasal noong early 1990s ang namayapang pangulo.


“Nabanggit niya (Aquino) sa akin noon na mayroon nang gagawa ng gown, mayroon na pinaplano, umabot na sa ganoon,” kwento ni Romy Mercado sa isang panayam.


Dagdag niya na noon pa man ay gusto na ni Aquino na bumuo ng pamilya.


“He wanted to have a family. Kaya kapag nakikita niya ‘yung mga kapatid niya, kami mga kaibigan niya na may mga anak niya, ako may apo na, e gusto niya. Hindi lang ‘yung partner, but he tried,” dagdag ni Mercado.


Hindi naman pinangalanan ni Mercado kung sino ang naging kasintahan ni Aquino, pero sinabi niya nakilala umano ito ng dating pangulo bago pa ito pumasok sa politika.


“Bago siya tumakbo sa Congress nakilala niya itong babae. Kung hindi ako nagkakamali 1994, nasa Tarlac siya nagtatrabaho noon,” ani Mercado.


“Noong tumakbo siya for Congress, talagang napaka-focused niya doon sa pagiging congressman. Kapag focused siya, nawawalan na siya ng time. Iyon ang nakikita ko na hindi na kagaya bago niya naging congressman, sa Luisita na natatawagan niya araw-araw. Ayun napuputol na,” teorya ni Mercado kung bakit hindi natuloy ang kasal.


Pumanaw si Aquino nitong Sabado sa edad na 61 dahil sa renal disease secondary to diabetes. –A. Mae Rodriguez