Net worth ni Leni Robredo lumobo sa pamana ng ina

IPINALIWANAG ni Vice President Leni Robredo ngayong araw na kaya tumaas ang deklarado niyang yaman noong 2020 ay dahil sa mga iniwang pag-aari ng kanyang ina na namayapa noong isang taon.


Ito ang sagot ni Robredo sa ulat na lumobo ang kanyang net worth sa P11.9 milyon mula sa P3.5 milyon noong 2019.


Klinaro naman niya na mababago pa ang kanyang net worth kapag pinaghati-hatian na nilang magkakapatid ang pamana ng kanilang ina.


“Namatay ang nanay ko at ako lang ang anak dito. Ang mga kapatid ko, nagtatrabaho sa labas ng bansa. Tatlo kaming magkakapatid. So ako ‘yung parang executor. Di ko pa natatapos kasi marami pa kaming ‘di nadidiskubre kasi wala sa listahan dati,” aniya.


Dagdag niya: “Ang nireport ko lang ‘yung nasa akin. Wala pa kaming extrajudicial settlement. Meron akong nakalagay sa aking SALN na subject to final settlement.”


Sinabi niya na aasikasuhin niya ang mga iniwang pag-aari ng ina kapag umuwi siya sa Naga City.


Noong 2018 ay nasa P2.3 milyon ang net worth ni Robredo.