Marcos inaprubahan ang importation ng 21,060 MT na sibuyas

INAPRUBAHAN na ni Pangulong Bongbong Marcos ang importasyon ng 21,060 metric tons ng sibuyas matapos itong irekomenda ng Department of Agriculture (DA).

Sinabi ni Agriculture Deputy Spokesperson Rex Estoperez na nag-usap na sina Marcos at Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban kung saan mas pinaliit lamang ang dami ng aangkating sibuyas mula sa orihinal na 22,000 MT.

“Nag-usap na si President at si Senior Usec Panganiban at inaprubahan ang 21,060 metric tons,” sabi ni Estoperez.

Nauna nang inalmahan ng iba’t ibang grupo ng magsasaka ang desisyon ng DA sa pagsasabing makaaapekto ito sa kasagsagan ng anihan ng sibuyas.