INAKUSAHAN ng isang mambabatas ang TV 5 ng paglabag sa prangkisang ibinigay rito ng gobyerno matapos makipag-deal sa ABS-CBN.
Ayon kay Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta, isa sa mga pangunahing kongresista na kumontra sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN, nilabag ng TV5 ang Section 10 ng broadcasting franchise nang makipagkasundo ito sa ABS-CBN.
Binili ng ABS-CBN ang common shares ng TV5 na nagkakahalaga ng P2.16 bilyon. Sakabila nito, nanatiling hawak pa rin ng MediaQuest Holdings ng MVP Group dahil sa 64.79% shares nito sa kompanya.
“With the substantial purchase of the outstanding stocks of ABS-CBN, I believe Section 10 of the franchise of TV5 was violated because the rights and obligations have virtually been transferred to ABS-CBN,” ayon kay Marcoleta sa kanyang privilege speech nitong Lunes.
“Pupwede ba Mr. Speaker na ang isang network na di na natin binigyan ng lisensiya—because of these established violations, wala na siyang prangkisa—pwede ba siyang sumakay ng ganun-ganun lang without settling the obligations to the country, to the government?” ayon pa kay Marcoleta.
Dapat anyang tingnan itong mabuti lalo pa’t merong Indonesian na pasok sa deal na ito.
“MediaQuest, the parent company of TV5 is owned by PLDT Beneficial Trust Fund. And the grapevine is so loud that PLDT Beneficial Trust Fund is owned by an Indonesian national,” anya pa.