Hipon dedma na kay Miss Manila 2020

INIHAYAG ni Bb. Pilipinas First Runner-up Herlene Nicole “Hipon” Budol na wala siyang hinanakit kay Miss Manila 2020 Alexandra Abdon na inilarawan siya bilang “squammy” sa isang episode ng Wowowin.

Sa panayam, sinabi ni Hipon na nagtataka siya kung bakit binuhay ang isyu gayong dalawang taon na ito nangyari at klinaro na scripted lang ang pangmamaliit sa kanya ni Alexandra.

“Wala naman po akong sama ng loob sa kanya kasi dati nagkaayos na po kami,” ayon sa beauty queen.

“Two years ago na po yung isyu na iyon, parang binabalik-balikan pa po nila,” dagdag niya.

Inamin naman ni Hipon na noong hindi pa niya alam na scripted ang pangyayari ay naapektuhan siya sa pahayag ni Alexandra.

“Sinabi niya po na scripted, pero sa part ko po kasi, hindi ako nasabihan na scripted, e.
Nasaktan po ako, siyempre buong pagkatao ko iyon sinabi niya, pati nanay ko dinamay niya pa e,” paliwanag niya.

Matatandaang ipinagdiinan ni Alexandra na hindi bagay sumali sa mga beauty pageants si Hipon dahil “iskwater” ang dating nito.

“Kahit magpa-pageant ang nanay ni Hipon sa bahay nila, hindi siya qualified. Yung standards, yung qualification, medyo tagilid tayo dun,” hirit pa ni Alexandra.