POSIBLENG arestuhin ang mga magpapatuloy sa “e-sabong” o online cockfighting operations sa matapos iutos ni Pangulong Duterte ang pagpapahinto rito, ayon kay Interior Secretary Eduardo Año.
Aarestuhin ang mahihuling lalabag sa utos ni Duterte sa kabila ng wala pang Implementing Rules and Regulation ang nasabing kautusan.
“Wala namang sophistication diyan sa utos ng Pangulo. ‘Pag sinabi ng Chief Executive na hindi na pupuwede ito, at ito naman ay ayon sa kapangyarihan ng ating Pangulo, ipatutupad natin ‘yan,” ani Año.
“‘Pag sinabing stop, stop na ‘yan. Wala nang mga anumang technicalities o anumang justifications. Ganun lang siya kasimple. Kung hindi ka susunod, eh di mananagot ka sa batas at expect mo na magkakaron tayo ng mga pag-aresto diyan sa mga hindi susunod,” dagdag pa niya.
Iginiit ni Año na ang desisyon ni Duterte ay kasunod ng survey na isinagawa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Abril 19 hinggil sa e-sabong operations, na sinisisi sa pagsira ng moral values ng maraming Pilipino.
Sa pagbanggit sa mga resulta ng survey, binanggit niya na 68 porysento ng mga respondent ang nagsabing “lubos silang sumasang-ayon” na ang e-sabong ay nakakatulong sa kanilang pananalapi.
Samantala, 62 porsyento naman ang sumang-ayon na itigil ang e-sabong, 34 porsyento ang nagsabi na dapat itong i-regulate, at ang natitirang apat na porsyento ay nagsabi na dapat itong magpatuloy nang walang anumang regulasyon.
“‘Yung pinakamatindi dito ‘yung moral issues tulad ng addiction. Sobra talaga ‘pag nalulong sa e-sabong. Hahanap ng pera, ibebenta ‘yung bahay, lupa, kahit anong gamit,” ani Año.