Leni kay ‘VP Digong’: ‘Sana hindi niya pagdaanan pinagdaanan ko’

UMAASA si Vice President Leni Robredo na kung sakaling tatakbo at mananalo sa pagkabise presidente si Pangulong Duterte ay hindi nito maranasan ang dinanas niya sa kasalukuyang administrasyon.


“Kung halimbawa tumakbo siya, manalo siya, ang wish ko lang sa kanya sana hindi niya pagdaanan ang pinagdaanan ko habang VP ako,” ani Robredo.


Matatandaang sinabi ni Duterte na tatakbo siya sa pagkabise presidente sa susunod na eleksyon para magroon ng legal immunity.


“They keep on threatening me with lawsuits and everything. (Dating Sen. Antonio) Trillanes and itong si (dating Supreme Court senior associate justice Antonio) Carpio and his ilk. Panay ang takot sa akin na mademanda ako,” ani Duterte.


“Sabi ng batas, kung presidente ka, bise presidente ka, may immunity ka. E di tatakbo na lang ako na bise presidente. And after that tatakbo uli ako na bise presidente, at bise presidente, at bise presidente,” dagdag niya.


Pero agad namang ipinaalala sa kanya ni Sorsogon Gov. Francis “Chiz” Escudero kay Pangulong Duterte na walang ligtas sa kaso ang bise presidente ng Pilipinas.


“The 1987 Constitution explicitly states that the President is immune from suit. The same, however, is not true for the Vice-President,” ani Escudero na isang abogado.


Sinegundahan ni Albay 1st Dist. Rep. Edcel Lagman, isa pang abogado, ang sinabi ni Escudero.