ILANG lider ng Kamara ang humirit na rin sa Commission on Elections (Comelec) na palawigin pa ang voter registration para sa 2022 national and local elections.
Sa inihaing House Bill No. 10261, nais nina Speaker Lord Allan Velasco at majority leader Ferdinand Martin Romualdez na palawigin ang pagpaparehistro hanggang Oktubre 31, 2021.
Ayon sa schedule ng Comelec, hanggang September 30 na lamang ang voter registration at wala na itong balak i-extend.
Naniniwala sina Velasco at Romualdez na ang extension ang magiging daan para hindi magkaroon ng “massive voter disenfranchisement” dulot ng pandemya.
“At a time of uncertainty, each and every office of the government is tasked to be flexible and alert,” giit ng dalawang opisyal.
“In order to avoid massive disenfranchisement, the Comelec must extend the period for voter registration until 31 October 2021. This is also to give leeway to Filipinos whose registration was delayed because of the prevailing circumstances,” dagdag pa nila.
Una nang naghain ng kanilang mga panukala ang mga senador na nagtutulak na palawigin ang pagpaparehistro hanggang katapusan ng Oktrubre.