LUMALATAY ang mga salitang binitawan ni Cavite Gov. Jonvic Remulla laban kay Manila Mayor Isko Moreno makaraang kastiguhin ng huli si Naic Mayor Jun Dualan kaugnay sa pamimigay ng ayuda sa mga naapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ).
Sa Facebook, ipinagtanggol ni Remulla si Dualan, na tinawag ni Moreno na ‘loko-loko” at “trapo,” sa akusasyon na hindi nito binigyan ng ayuda ang mga residente ng Naic na dating mga informal settlers ng Manila.
Matatandaang nagpatutsada si Moreno kay Dualan sa pagbabalewala umano nito sa mga na-relocate na taga-Manila sa Naic dahil hindi botante roon ang mga ito.
“Alam mo, style kasi ng trapong politiko ‘yan. ‘Yung botante, hindi botante. Tutal doon na sila nakatira, next time magpa-rehistro na sila doon sa bayan na ‘yun hindi dahil para iboto ‘yung loko-loko na ‘yun,” ani Moreno.
Idinagdag pa ng alkalde na kahit hindi na niya constituents ang mga nasabing residente ay nagpapadala pa rin siya ng ayuda sa kanila. “Noong mga nakaraang ayuda nagpadala ako doon at kung may sosobra pa kami. Kasi niyayakap din namin dito sa Maynila kahit hindi botante. And I hope they will do the same,” dagdag ni Moreno.
Nagpanting naman ang tenga ni Jonvic sa mga sinabi ni Moreno at iginiit nito na pantay-pantay ang tingin nila sa tao. “Yorme, alam ng lahat ang ambisyon mong maging Pangulo. Wala namang isyu don. Libre mangarap ang kahit sino. Pero sana ay huwag mong tapakan ang iba para lamang umangat ka. Hindi ka pa nga Pangulo ay ang yabang mo na,” hirit ng gobernador.
“Hirap na hirap na nga kami dito, kami pa ang ginawa mong rason dahil sa pagka-atat mong sumikat. Sana, pag-aralan mo muna ang suliranin bago ka magpuputak ng walang kwenta,” dagdag ni Remulla.
“Kung pagpapasikat lang ang gusto mo? Hindi mo kailangan mang-apak ng Caviteño. Wag kaming mga Caviteño ang pag-initan mo. Hindi ka namin uurungan,” aniya pa. Ipinaliwanag ni Remulla na kulang ang ipinadalang pondo ng pamahalaan para sa mga naapektuhan ng ECQ at hindi kasama ang mga na-relocate mula sa Manila sa 2015 census na pinagbasehan ng pamimigay ng ayuda.
“Yung sinasabi ni Yorme na hindi binigyan ng SAP (Social Amelioration Program) ang mga galing Maynila? Ito ay dahil kulang ang ibinigay ng National Government ayon sa kada-pamilya na apektado,” aniya.
“Ang bilang ng SAP ay ayon sa 2015 census. Ibig sabihin, ang SAP na para sa 1,092 pamilya ay naka-pondo po ngayon sa Maynila at hindi sa Naic. Lumipat lamang ang mga pamilya na ito noong 2019. Kaya’t sinong Mayor ang may hawak ng pera?” dagdag pa ng gobernador.