SA makasaysayang National Museum of the Philippines gaganapin ang panunumpa sa tungkulin ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. bilang ika-17 Pangulo ng bansa sa Hunyo 30.
Dating kilala bilang ‘Old Legislative Building’, dito rin ginanap ang panunumpa sa tungkulin ng mga dating Pangulo gaya nina Manuel L. Quezon (1935), Jose P. Laurel (1943), at Manuel Roxas (1946).
Ayon kay dating Manila Representative at ngayo’y Presidential Management Staff (PMS) Secretary-designate Zenaida “Naida” Angping, ang mga miyembro ng inaugural committee ay nagsagawa na ng ocular inspection at kanilang nakita na ito ang pinakamagandang venue para sa inagurasyon ni Marcos.
“The National Museum of Philippines building and its surrounding areas match our requirements for President-elect Marcos’ inauguration. Preparations are already in full swing to ensure that it will be ready by then,” sabi ni Angping.
Dinisensyo ng Bureau of Public Works (ngayon ay DPWH) noong 1918 bilang bagong tirahan ng National Library of the Philippines habang natapos naman ang pagbuo nito noong 1926.