PINAYUHAN ni Pangulong Duterte ang publiko na huwag paniwalaan ang mga ginagawang imbestigasyon ng mga senador dahil wala pinatutunguhan ang mga ito.
“Wag ho kayo maniwala diyan sa mga imbestigasyon, imbestigasyon. Kita naman ninyo walang nangyayari. Puro lang, we will investigate, investigate,” ani Duterte sa kanyang Talk to the People address.
“Pakinggan mo ‘yung ibang senador diyan, meron talagang masabi. After investigation, one or two or three days in your hearing, wala na. Walang rekomendasyon, walang dinemanda, walang napreso. Puro postura lang, question question. Yan ang mahirap,” ayon pa sa Pangulo.
Sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng serye ng pagdinig ang Senado ukol sa paggamit ng pondo ng Department of Health.
Imbes na ang mga senador, sinabi ni Duterte na ang kanyang programa ang dapat paniwalaan ng mga Pinoy.
“Mga kababayan ko, nagsasabi kami dito ng totoo. Malaman ninyo kung kami ay nagkakamali, hindi natatago ‘yan,” giit ni Duterte.
“Ako, Presidente ninyo, you trusted me, you voted for me so I would be the last person, ako yung pinakahuling taong manloko sa inyo. Pag hindi na ako presidente, patayin n’yo ako kung ako’y nagkamali o nagsisinungaling,” aniya pa. –WC