SINAMPAHAN ng mga kasong libel at unjust vexation ni retired Commission on Elections commissioner Rowena Guanzon si National Youth Commission Usec. Ronald Cardema sa Quezon City Prosecutor’s Office ngayong araw.
Habang nilalagdaan ang reklamo, binakbakan nang husto ni Guanzon ang opisyal na kilalang DDS.
“Sumosobra na ‘tong atake ni Ronald Cardema sa akin e. Kahit government official siya, mukhang hindi talaga siya titigil ng dakdak at buwisit sa akin e,” ani Guanzon.
“Kung agrabiyado siya, pumunta siya sa korte. Bakit hindi siya nag-file sa Comelec? Puro siya defamatory comments sa akin in public. Parang wala siyang takot sa batas. Akala niya malakas siya,” aniya pa.
Sinabihan rin niya si Cardema na wala itong alam sa batas.
“Whether Cardema likes it or not, I’m going to be congresswoman! Dapat lang talaga parusahan siya dito sa husgado… Pinagpasensyahan lang kita nang ilang taon, Cardemic!” ayon pa kay Guanzon.
Ipinamukha pa ng incoming representative kay Cardemia na nagbayad siya ng P1.5 buwis. “E ikaw magkano binayad mo?” sabi niya.
Hindi pa roon natapos ang panlalait ni Guanzon kay Cardema.
“Inaatake ‘mo ko, soon to be a member of Congress? E ikaw ano ka? Hindi ka nga nag-graduate sa college e. Puro ka politika. Ano ba talaga pinagmamalaki mo, ang crew cut mo?” dagdag niya.
Nag-ugat ang isyu nang tangkaing harangin ni Cardema at asawa nitong si Rep. Ducielle Cardema ang nakatakdang pag-upo ni Guanzon bilang kinatawan sa Kongreso ng P3PWD party.