IKINALUNGKOT ng isang grupo ng mga magsasaka ang naging desisyon ng Malacanang na magpataw ng maliit na taripa sa mga papasok ng bigas, baboy at mais sa bansa.
Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG, malungkot na balita sa industriya ng lokal na agrikultura ang naging desiyon ni Pangulong Bongbong Marcos na aprubahan ang rekomendasyon ng National Economic Development Authority (NEDA) Board na palawigin pa hanggang Disyembre 31, 2023 ang executive order na nagpapataw ng mas mababang tariff sa imported na bigas, baboy at mais.
“It is a sad day for the agriculture sector. Only a few privileged importers and traders have benefitted and will continue to benefit in extending the EO. Not the producers, not the consumers, not the government,” sabi ni SINAG Executive Director Jayson Cainglet.
Ito’y matapos na palawigin ni Marcos ang ipinalabas ni dating pangulong Rodrigo Duterte na EO kaugnay ng mas mababang tariff sa bigas, baboy at manok na nakatakda sanang magtapos ngayong Disyembre 31, 2022.
“We would have rather government support local producers instead of incentivizing a few privileged importers and farmers and raisers of other countries,” dagdag ni Cainglet.