SINABI ni Pangulong Duterte na nakatakda niyang desisyunan Lunes, Mayo 2, kung ipatitigil ang e-sabong matapos magbigay ng rekomendasyon si Interior Secretary Eduardo Año kaugnay sa isyu.
“I tasked him to make a serious study of the e-sabong. The recommendation is on my table now. So pagdating doon, babasahin ko and maybe by Monday, malaman natin kung ituloy natin o hindi,” sabi ni Duterte sa kanyang talumpati sa pagpapasinaya ng Overseas Filipino Hospital sa San Fernando, Pampanga ngayong Linggo.
Idinagdag ni Duterte na bagamat P640 milyon buwan-buwan ang kinikita ng pamahalaan sa e-sabong, dapat ikonsidera ang mga social issues na nakapaloob dito gaya ng pagkakagumon sa sugal ng maraming Pilipino.
“But there is apparently a social problem evolving sa pagpatakbo nitong e-sabong. So we have a problem there and we want to, well, be fair to everybody. But then again, we must study seriously or take into consideration ‘yung social issues,” aniya.
“Ang mga tao lahat nagsusugal na pati mga bata, ‘yung iba nagsasangla na ng propiedad. Sabi ko, I do not know if this is true. So sabi ko kay Secretary Año, pag-aralan mo na or you conduct a survey because you have a far-reaching powers in the provinces ‘yung mga DILG pati city and province. Kaya mong kunin ‘yung feedback,” ayon pa kay Duterte.