HINDI style ni Pangulong Duterte na ipagmayabang sa publiko na halos nauubos ang oras niya sa katatrabaho, ayon sa Malacañang.
Giit ni presidential spokesman Harry Roque, “on top of the situation” si Duterte at abala ito sa trabaho, katulad ng pagdedesisyon sa quarantine qualification sa NCR Plus at pamamahala sa pagbili at pamamahagi ng bakuna kontra Covid-19.
“Ang assumption n’yo, kinakailangan magpakita para patunay na nagtatrabaho si Presidente. Hindi ganun ang estilo ng ating Presidente,” ani Roque.
“Hindi naman niya kinakailangang ipagmayabang sa publiko na siya ay nagtatrabaho,” dagdag niya.
“Ang taong bayan naman ay naniniwala naman na talagang on top of the situation ang President even if hindi niya pinangangalandakan ito sa taumbayan,” hirit pa ni Roque.
Naniniwala rin siya na walang iniisip ang Pangulo “24/7” kundi ang kapakanan ng mga Pilipino.
Ginawa ni Roque ang deklarasyon sa gitna ng panawagan na lumutang na ang Pangulo sa gitna ng mga ulat na lumalala ang sitwasyon ng pandemya sa bansa.
Imbes na magpakita sa publiko, mga larawan niyang nagdya-jogging at nagmomotorsiklo ang ikinalat ng kanyang aide na si Sen. Bong Go.