HUMINGI ng paumanhin sa publiko si Pangulong Duterte sa pagpapalawig niya sa modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus para mabawasan ang siksikan sa mga ospital.
“Mga kababayan ko, nanghihingi lang ako sa inyo ng paumanhin. I’m sorry that I have to impose a longer modified enhanced community quarantine kasi kailangan,” ani Duterte sa public address niya kagabi.
“Tumaas ‘yung infections at ‘yung hospital natin puno.” Maliban sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal, paiiralin ang MECQ hanggang Mayo 14 sa Santiago City, Quirino at Abra.
Isasailalim naman sa general community quarantine (GCQ) ang Apayao, Baguio City, Benguet, Ifugao, Kalinga, Mountain Province, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Batangas, Quezon, Tacloban, Iligan, Davao City at Lanao del Sur
Paiiralin naman ang modified GCQ sa natitirang bahagi ng bansa.
“Ngayon, alam ko galit kayo. Magalit na lang kayo sa akin kasi wala man talaga ako magawa. Ang virus na ‘yan, lumilipad ‘yan sa hangin. Kung kausap mo may virus, ma-virus ka din,” ani Duterte.
“Ako ‘yung pinakahuling tao na mag-istorbo sa buhay ninyo. Sabi ko nga e, I want the people to be comfortable so sometimes you have to interdict or intervene because it is of national interest,” dagdag ng Pangulo.