KAILANMAN ay hindi nailagay sa drug watchlist ang pangalan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..
Ito ang ginawang pagdidiin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), matapos ang pabubunyag na ginawa ni dating Pangulong Duterte Linggo ng gabi hinggil sa diumano’y nasa listahan ng PDEA ang pangulo.
“The Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) categorically states that President Ferdinand R. Marcos, Jr is not on its watch list, contrary to the statement of former President Rodrigo Duterte, claiming that when he was the Mayor of Davao, he was shown evidence by PDEA that in the list, the name of the president was there,” ayon sa kalatas ng PDEA.
Inihayag rin ng ahensya na wala rin ang pangalan ng Pangulo sa narco list na inilabas ng administrasyong Duterte.
“It is worthwhile to note that, when the former President took over in 2016, his administration came out with a list, which was then initially called the ‘narco-list, sometimes referred to as the ‘Duterte list’, and upon continuing validation and re-validation, it became the Inter-Agency Drug Information Database or IDID. The name of President Marcos is also not in the said list,” punto nito.
Sa prayer rally sa Davao nitong Linggo, ilang beses tinawag na “drug addict” ni Duterte ang Pangulo sa kanyang talumpati.
“Noong ako po ay mayor [ng Davao], pinakitaan ako ng evidence ng PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency). Doon sa listahan, nandoon pangalan mo,” sabi pa ni Duterte.
“Ayaw kong sabihin ‘yan kasi magkaibigan tayo. Kung hindi magkaibigan, magkakilala. E ikaw e, pumapasok kayo ng alanganin. Mr. President, baka susunod ka sa dinaanan ng tatay mo, diyan ako takot. Ayaw kong mangyari sa iyo ‘yan,” dagdag niya.