PANGALAWA na lang si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa senatorial survey para sa unang quarter ng 2024 na isinagawa ng PUBLiCUS Asia Inc.
Mula sa 48 porsyento na top-of-mind vote ay nasa 38 porsyento na lamang ang nakuha ng dating pangulo.
Pinakamalaking nabawas ay mula sa North-Central Luzon, na bumagsak sa 31 porsyento mula sa dating 44, at sa South Luzon na 25 porsyento mula sa dating 42.
Nanguna naman sa survey ang cardiologist na si Doc Willie Ong na nakakuha ng 41 porsyento ng top-of-mind vote.
Nasa ikatlong puwesto si ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo na nakakuha ng 37 porsyento, mas mababa kesa sa nakaraang quarter na 44 porsyento.
Kabilang pa sa listahan sina Sen. Christopher “Bong” Go, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto, at dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson na pare-parehong may predisposition na 32 porsyento.
Mayroong 28 porsyento si Sen Ronald “Bato” Dela Rosa habang sina Sen. Imee Marcos at dating Manila Mayor Isko Moreno ay tumanggap ng tig-27 porsyento.
Nasa listahan din sina dating Vice President Leni Robredo (27 porsyento), Defense Sec. Gilbert “Gibo” Teodoro (26 porsyento) at Sen. Pia Cayetano (23 porsyento).
Isinagawa ang independent at non-commissioned survey mula Marso 14 hanggang 18 gamit ang purposive sampling na binubuo ng 1,500 respondents.