UMAASA ang National Bureau of Investigation (NBI) na hindi aabutin ng 40 araw bago maiuwi ng Pilipinas ang pinatalsik na kongresista ng Negros Oriental na si Arnolfo ”Arnie” Teves Jr.
Kahapon, March 24, ay bumalik mula Timor-Leste ang mga opisyal ng NBI nang hindi dala-dala ang puganteng si Teves.
Ayon kay Director Medardo de Lemos, biniberika pa ng Timor-Leste ang hiling ng Interpol at Pilipinas na ibalik ng Pilipinas si Teves para harapin ang patong-patong na kaso nito ng pagpatay.
“Mayroong proseso sila doon sa Timor Leste. Ine-evaluate nila ‘yung request ng Interpol at yung request namin, request ng Pilipinas,” ani de Lemos.
“Proseso po ng Timor Leste ‘yun. Ang sinasabi po natin doon, ginagalang natin ang lahat ng proseso ng bansa kung saan tayo ay isang requesting party lamang,” dagdag ng opisyal.
Sinabi ni de Lomos na kadalasang inaabot ng 40 araw ang deportation proceedings sa nasabing bansa.
Pero umaasa ang ahensya at ang Department of Justice ng mas mabilis na proseso.
Kapag nasa Pilipinas na, haharapin ni Teves ang mga kasong murder, frustrated murder, at attempted murder kaugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba noong Marso 4, 2023.
Matatandaang dinakip si Teves noong Huwebes habang naggo-golf sa siyudad ng Dili.