Pamilya ng 2 bata na na-trap sa kotse duda sa resulta ng autopsy

SUFFOCATION o hindi nakahinga sa loob ng kotse ang dahilan ng pagkamatay ng dalawang bata sa Angeles City, Pampanga. ayon sa PNP. 

Dahil dito ibinasura ng mga imbestigador ang anggulo na may foul play sa pagkamatay ng magpinsan na sina Darrel, 3 at Marvin, 2, residente ng Brgy. Malabanias.

Base sa CCTV footage sa lugar, makikita ang mga bata na naglalaro malapit sa isang kotse alas-9 ng umaga noong Biyernes.

Makaraan ang ilang minuto, makikita ang dalawa na lumapit sa passenger side ng kotse pero hindi na nahagip ng CCTV kung paano sila nakapasok sa loob ng sasakyan.

Mahigit apat na oras bago natagpuan ang mga bata na wala ng buhay.

Hindi naman matanggap ng mga magulang ang resulta ng autopsy.

“’Yung anak ko, yung dugo niya sa kamay, sa damit tapos maraming pasa,” pahayag ng ina ng isa sa mga bata.

Aniya, dudulog sila sa Commission on Human Rights para maimbestigahan ang insidente.

Handa naman ang may-ari ng sasakyan na harapin ang ang imbestigasyon.

“Nanghihingi po ako ng sorry, ng dispensa. Hindi ko po kayang gawin na pumatay ang isang tao din. Kung ano po kapupuntahan ng nangyaring to, haharap po ako,” ani Fermhan Pamintuan.