KASUNOD ng pangho-hostage sa kanya, pinaplano na ng kampo ni dating Sen. Leila de Lima na maghain ng mosyon sa korte upang makauwi ng bahay.
Ayon sa abogado ni De Lima na si Filibon Tacardon, sinabihan sila ni Sen. Imee Marcos na mayroong alok na home furlough ang Department of Justice (DOJ) at National Police sa dating senadora.
“Kaming defense team ay nagre-ready na i-discuss sa kanya ‘yung possibility ng home furlough as suggested by Senator Imee Marcos kahapon, na sinasabi niya ay in-offer daw sa amin ng DOJ at PNP. Pag-aaralan namin ito,” ani Tacardon sa isang panayam.
Kung papayag si De Lima, sinabi ng abogado na agad silang maghahain ng mosyon.
“Maghahanda kami ng kaukulang mosyon para ihain ito sa hukuman at hingin ang permiso ng ating huwes para mabigyan siya ng home furlough,” aniya.
Inihayag naman ni Tacardon na unang beses pa lang nila itong gagawin kung sakali.
Nitong Setyembre, aniya, nagkaroon ng panawagang ilipat ng kustodiya si De Lima matapos hindi payagan si US Senator Edward Markey na bumista sa dating senadora sa PNP Custodial Center.
“We all know that when Senator Markey tried to first visit Senator Leila de Lima, his team was prevented by PNP, and when Senator Leila tried to raise it with the custodial center officers, that was the time that the offer was made,” sabi ni Tacardon.
“And actually, the offer was made this way, according to Senator Leila: ‘Kung hindi na po kayo masaya sa amin, puwede naman kayong lumipat. It was not really a formal offer to transfer…it was more of a reaction on the part of PNP when Senator Leila actually protested the first time that Senator Markey was prevented,” paliwanag niya.
Naniniwala naman ang spokesman ni De Lima na si Atty. Dino de Leon na ang dating mambabatas ang target ng tatlong detainee na mga miyembro ng Abu Sayyaf Group.
Nitong Linggo ng umaga ay sinaksak ng tatlo ang pulis na nagrarasyon ng pagkain sa loob ng detention facility bago i-hostage si De Lima.
Napatay ang tatlo nang magtangkang tumakas.