MINALIIT ng Malacañang ang umano’y nilulutong coup d’ etat ng militar laban kay Pangulong Duterte sa harap ng kanyang kawalan ng aksyon sa ginagawang pananakop ng China sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nananatiling buo ang suporta ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Duterte.
“That’s just idle talk. We believe that the military remains loyal to the Republic,” sabi ni Roque.
Nauna na ring itinanggi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na may pagkilos para patalsikin si Duterte.
Idinagdag ni Roque na dapat ay maghintay na lamang ang mga nag-aambisyon sa susunod na eleksyon sa 2022.
Nauna nang kumalat na 500 opisyal ng militar ang nakatakdang tumiwalag kay Duterte kung patuloy itong mananahimik sa ginagawa ng China.
Isang online petition na rin ang isinasagawa para hilingin ang pagbibitiw ni Duterte.